GABBED. v. To talk idly or incessantly, as about trivial matters.
Gab from a Rooftop. Writer/ Photojournalist/ Fanboy/ Frustrated Isko

Kuwento ng Isang Isko: UPCAT

image

Kahapon ko pa iniisip na isulat lahat ng mga napagdaanan ko para maabot ko ang pangarap kong maging isang Iskolar ng Bayan. Hindi ko alam kung saan ko sisimulan dahil marami talagang akong pinagdaanan bago ko ito nakamit.

Kaya naisip ko na simulan sa pinaka-umpisa. Ang araw na kumuha ako ng UPCAT. 

Sabado, Ika-apat ng Agosto taong 2012.

Ang araw na pinakahihintay ng bawa’t estudyante na nangangarap magaral sa UP. Ang pagsusulit na magpapatunay kung may kapasidad ang isang estudyante na makapagaral sa prestihiyosong Unibersidad ng Pilipinas.

Sa pagkakatanda ko, ang suot ko ng araw na yun ay blue na Azkal shirt at jogging pants, parang hindi nga ako mage-exam. Sabi nga ate ko, "mag jo-jogging ka lang ba?" Pinili kong magsuot ng jogging pants at simpleng t-shirt dahil gusto kong maging komportable.

Tanghali ang skedyul ng aking exam. Alas onse pa lang umalis na kami ng bahay. Sabi ng nanay ko kumain muna ako, kaya’t pumunta kami sa pinakamalapit na kainan. Pinapili niya ako, pinili ko Chowking kasi paborito ko ang pagkaing instik.

Pagkatapos kumain dumeretso agad kami sa paaralan kung saan gaganapin ang UPCAT. Pasado alas dose ng pinapila na kami. Unti lang kami na kumuha ng UPCAT sa paaralan na iyon. Isa lang kasi ito sa tatlong testing center dito saamin sa probinsya ng Cavite. Halos lahat kasi ng Kabitenyong nag UPCAT piniling mag exam doon sa mas malaking paaralan sa Imus. Ako pinili kong mag exam sa Trece Martires kasi mas malapit ito saamin. 

Naupo ako sa pinakadulo ng isang mahabang bulwagan kung saan ginanap ang pagsusulit. Muntik pang magkaproblema kasi hindi ko natanggap yung test permit ko na dapat sana’y pinadala sa bahay. Kaso wala akong natanggap mula sa post office. Pero sinuwerteng pinayagan ako na magexam kahit wala akong test permit dahil naka-rehistro naman ang pangalan ko sa listahan ng mga examinee.

Maulan nga pala ng araw na iyon. Madilim ang kalangitan parang nakikisama sa moda ng mga kasabay ko nag UPCAT. 

Bago magsimula syempre hindi mawawala yung mga paalala ng mga examiner. Sa gitna ng pagbibigay ng paalala ng isang UP instructor dumating yung babaeng nagiisang inaantay para magsimula na kami.

Basa ang damit niya, hinihingal at nilalamig. Nilapitan siya ng isa sa mga instructor. Dahil naupo siya sa tabi ko, narinig ko kung ano yung pinagusapan nila.

"Iha bakit ngayon ka lang dumating at ba’t basang-basa ka?" ang mahinahong tanong ng instructor sa babaeng muntik ng hindi makakuha ng UPCAT. “Wala po kasi akong pamasahe naghanap pa ako ng mahihiraman at inabutan na po ako ng malakas na ulan.” ang sagot ng babaeng naupo sa tabi ko.

Hanggang ngayon iniisip ko pa rin siya. Kung nakapasa ba siya. Naawa talaga ako sa kanya lalo na nung nakita ko na napakaliit ng lapis na ginamit niya sa pagsasagot.

Sa mismong exam, nahirapan ako sa Science, Math at English. Masasabi ko na ang pinakamadali para sakin ang Reading Comprehension. Natuwa ako sa pagsasagot nito kahit na sobrang haba nang mga binasa ko. Ito nga lang yung siguradong-sigurado ako sa mga sagot ko at natapos ko ng mas maaga sa oras.

Sa huli pinasulat kami ng essay na hindi inaasahan ng lahat. Masasabi ko naman na nagawa kong magsulat ng may kabuluhan sa loob labinlimang minuto.

Sa pagkakatanda ko pasado alas singko na nung natapos namin ang lahat ng parte ng exam. Nakahinga ako ng maluwag. Masaya dahil kahit papano alam ko na sinagutan ko yung mga tanong sa abot ng aking makakaya.

Pagkalabas pa lang ng bulwagan, hinanap ko agad ang nanay ko. Naglakad kami patungo sa mga kainan. Tinanong niya ako kung kamusta ang pagsusulit. "Okey lang, mahirap pero kinaya ko." Alam ko na sa sarili ko na malaki ang tyansa na hindi ako pumasa pero nagawa kong tumawa dahil una sa lahat pinasa-Diyos ko na kung ano man ang magiging resulta.

Kumain kami ng hapunan sa Jollibee. Nakatawa pa rin ako habang nagkukuwento sa nanay ko. Pagsakay ng dyip, nawala lahat ng enerhiyang natitira pa saakin. Ano ba tawag nila sa wala sa sarili? Bangag, sabaw? Oo, pagkatapos ng limang oras na pagsasagot ko sa UPCAT, nabangag ako. Pagkauwi ng bahay deretso agad ako sa kwarto ko. Bago pa ako makatulog sa sobrang pagod. Nagdasal ako.

Pinagdasal ko na sana kahit papano ay lumusot man lang ako sa recon. Ang tanging dasal ko lamang sa Panginoon, "Lord, kahit na pumasok lang ng recon cut-off yung UPG ko." Alam ko na rin kasi na maliit at tyansya kong pumasa dahil hindi rin kataasan ang mga gradong nakuha ko sa tatlong taon ko sa hayskul.

Hindi ko rin nakalimutan yung babaeng muntikan ng hindi makapagexam dahil walang siyang pamasahe. Pinagdasal ko na kahit sana siya na lang yung pumasa. Dahil talagang alam kong mas kailangan niya yung opurtunidad na makapasok sa UP at magkaroon ng magandang kinabukasan upang ma-iahon niya ang kanyang pamilya sa kahirapan.

Kaya sa babaeng nakatabi ko noong UPCAT. Saludo ako sayo! Dahil gumawa ka ng paraan para makapag exam kahit na naging balakid sayo ang estado ng buhay ng pamilya mo. Nakita ko sa mga mata mo ang determinasyon at pangarap na magaral sa UP. Sana sa darating na pasukan na sa UP ka na.

  1. suigeneris-me reblogged this from gabbed
  2. juniorladypavarotti reblogged this from gabbed
  3. gabbed posted this